6 nursing students, 1 pa nalunod

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa anim na nursing students at isang 12-anyos na babae ma­tapos malunod habang magkakasamang naliligo sa dagat ng Infanta Que­zon kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga na­ma­tay na kolehiyala ay sina Karen May Efren,18; Ma­risma Macabuag,18; Jovel Ortiz,19; Kristine Regis,18; Camille Soriano,19; at si Jezelle Mijarez,18, pawang mga 3rd year students ng La Concordia College sa Maynila.

Natagpuan ding patay ang isang12-anyos na si Jona Rose Francia na anak ng may-ari ng bahay na tinuluyan ng mga nursing stude samantalang isinu­god naman sa Claro M. Recto Memorial District Hospital sa bayan ng Infanta ang 8 estudyante.

Ayon kay PO1 Adrian Coralde, si Vyera Ramirez, ay inilipat sa isang ospital sa Maynila matapos ma­lagay sa kritikal na kon­disyon.

Sa pahayag ni Allen delos Reyes, Infanta municipal information officer, du­malo ng community health nursing training sa Barangay Pinaglapatan ang mga estuyante nang magkayayaang mag-swimming bandang alas-4:30 ng umaga.

Sa naunang ulat mula kay P/Senior Supt. Erick­son Velasquez, lumilitaw na lulan ng bangka ang mga biktima at sa pag-aakalang mababaw na ang tubig sa dagat ay magka­ka­sunod na nagtalunan habang papadaong sa isang isla kung saan na­ganap ang trahedya.

Subalit sa pagtutuwid ng Infanta PNP, naliligo na ang 15 estudyante sa da­gat nang biglang nag-high tide hanggang sa hampa­sin sila ng malalakas na alon at tangayin sa malalim na bahagi ng dagat.

Kaagad naman nagsa­gawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad hanggang sa masagip ang siyam na biktima kung saan napa­sugod ang mga opisyal ng La Concordia College mula sa Maynila matapos mala­man ang insidente. Dag­dag ulat ni Joy Cantos

Show comments