MANILA, Philippines - Pito-katao kabilang ang isang municipal councilor ang inaresto ng pulisya makaraang makumpiskahan ng mga baril sa inilatag na Comelec checkpoint sa Barangay Alaoa sa bayan ng Tineg, Abra kamakalawa.
Kabilang sa mga naaresto ay sina Councilor George Taguinod ng Lagayan, Abra; Ludring Siguera, Jenrick Palas na kapwa nakatira sa Pang-Ot Lagayan; Roger Baring ng Aloa Itneg; Michael Altaa ng Sta Rosa, Bangued; Louie Parado ng Zone 4, Bangued; at si Alcedo Banat ng Agsimao Tineg. Naaresto ang mga suspek habang lulan ng sasakyang military type na may plakang RJU-838 na sinasabing pag-aari ni Cromwell Luna, mayoral bet ng Tineg Abra.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang M-16 Armalite rifle, baby Armalite, calibre 45 pistola, dalawang rifle granade; 13-magazines ng M-16; at isang magazine para sa cal. 45 at iba’t ibang uri ng bala.