BATANGAS , Philippines – Sinibak ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang isa sa kanyang mga tauhan dahil sa pagwo-walk-out ng mga mamamahayag sa ginanap na press conference sa Batangas City kamakalawa ng umaga. Ayon kay Jun Dijan, chief of staff ng Batangas Capitol, tinanggal na nila bilang official Liberal Party spokesperson ng Batangas si Atty. Joel Montealto matapos pagkaisahan ng mga reporter dahil sa mga iresponsableng pahayag laban sa mga mamamahayag. Nag-ugat ang walk-out ng mga miyembro ng Batangas Newswriters Association laban kay Atty. Montealto nang tumanggi itong pangalanan ang mga upahang mamamahayag sa Batangas na naninira kay Governor Vilma Santos-Recto. Naunang nagpalabas ng press release si Atty. Montealto na nalathala sa ilang pahayagan na may mga upahang mamahayag ang ginagamit ng mga kalaban ni Gov. Vi upang birahin ang administrasyon ng gobernadora. Bunsod nito, hinamon ng mga mamamahayag na pangalanan ni Montealto ang mga upahang mamamahayag upang hindi naman madamay ang mga inosenteng manunulat. Ngunit hindi nagpaunlak si Montealto at sa halip ay dinepensahan pa ang kanyang sarili na hindi naman anya mga mamahayag sa Batangas ang kanyang tinutukoy. Dahil hindi niya mapangalanan ang tinutukoy na mamamahayag, hiniling na lang ng mga reporter na mag-apologize si Montealto publicly ngunit tumanggi ito kaya nag-walk out ang mga mamamahayag bilang protesta. Nilinaw naman ni Gov. Vi na wala sya sa nabanggit na press conference at mga tao lamang niya ang nag-initiate kung saan naganap ang walk-out.