Estudyante ng Mapua namatay sa hazing
MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na engineering student ang namatay sa isang hazing ng isang fraternity sa Trece Martirez, Cavite kamakalawa ng gabi.
Wala nang buhay nang maipasok sa MB Santiago Medical Center sa Cavite ang biktimang si Daniel Lorenz Jacinto, second year engineering student ng Mapua Institute.
Inaresto naman ng pulisya ang anim pang estudyante na nagdala sa bugbog na katawan ni Jacinto sa ospital.
Nakilala ang mga suspek na sina Jan Arman Canicosa, Ronnie Mozo at Emil Jan Villanueva, pawang 19; Paulo Alvarez, 22; Marco Polo Sarno 21; at Glenn Angelo Mancilla, 20, lahat ay pawang residente ng Cavite.
Nabatid sa mga magulang ni Jacinto na inilihim sa kanila ng kanilang anak ang pagsali nito sa fraternity at nagpaalam lang na maglalaro ng basketball ngunit hindi na nga ito nakabalik pa. Nagtamo ang biktima ng mga sugat at malaking pasa sa binti na pinaniniwalaang pinalo nang paulit ulit ng matigas na bagay.
Inaalam pa ng pulisya ang pangalan ng fraternity ng mga suspek habang tumanggi namang magbigay pa ng detalye ang mga ito sa nangyari na nauwi sa pagkamatay ng biktima.
- Latest
- Trending