Bus nag-dive: 8 utas
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa walo-katao habang 51-iba pa ang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong bus sa malalim na bangin sa kahabaan ng matarik na tulay sa Tabuk City, Kalinga noong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina Army Sgt. Jamarie Ricardo, Christopher Cuesta, 24; Samson Au-as, Boy Alunday, Francis Macling, Shanalyn Cawilan, 19; Jojo Baunoya at ang isa pa na bineberipika ang pagkakakilanlan.
Ginagamot naman sa Kalinga Provincial Hospital ang 51 nasugatan na karamihan ay pagkabali-bali ang buto matapos maipit sa loob ng bus.
Sa ulat ng PNP Cordillera Administrative Region, naganap ang trahedya dakong alas-2 ng hapon kung saan binabagtas ng Lovely Mae mini bus (AYA-268) ni Joseph Maiyao ang pakurbadang matarik na tulay sa bulubunduking bahagi ng Barangay Naneng nang mawalan ito ng kontrol sa manibela.
Tuluy-tuloy na nahulog sa tulay ang bus na bumulusok pa sa malalim na bangin kung saan grabeng naipit ang mga pasahero nito. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending