Pulis sa Maguindanao dinagdagan
MANILA, Philippines - Dahil sa tumataas na insidente ng karahasan, nagpadala na ng karagdagang puwersa ang Philippine National Police sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang karagdagang mga pulis ay isinabak sa bayan ng Ampatuan upang maiwasan ang posibleng paghihiganti ng pamilya ng biktimang pinatay na si Mohamadisa Sangki, tiyuhin ni Ampatuan Vice Mayor Razul Sangki na isa sa key witness sa Maguindanao massacre case.
Ayon kay S/Supt. Alex Linesses, police provincial director ng Maguindanao, ayaw nilang maging kumpiyansa kahit inihayag na ng pamilya ng biktima na ilagay na ng mga ito sa kanilang mga kamay ang batas sa paghahanap ng hustisya.
Inihayag pa ni Linesses na nagpadala na sila ng mga pulis sa strategic areas sa Ampatuan at naglagay na rin ng security details sa mga miyembro ng pamilya Sangki na posibleng target ng kabilang grupo.
Magugunita na ang maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa pangunguna nina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at anak nitong si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ang itinuturong mastermind sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 23 ng nakalipas na taon.
- Latest
- Trending