BULACAN, Philippines — Masuwerteng nakaligtas sa nakaambang kamatayan ang dalawang beauty queen habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang bumangga ang sinasakyan SUV sa tow truck sa MacArthur Highway sa Barangay Longos, Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga sugatan ay sina Mariam Michelle Oblea 22, ng North Susana Heights, Quezon City at Bb.Pilipinas-Miss Earth 2010; Czarina Catherine Gatbonton, 21, ng Brgy. Pamarawan, Malolos City, Bulacan, Bb.Pilipinas- Miss World, 2010; Maria Charisse Santos ng Malolos City, Divinia Quetua ng Brgy. Lawa, Meycauayan City, Bulacan at si Alfred Cortez, drayber, ng Brgy. Ilang-ilang,Guiguinto, Bulacan habang nakakulong ang drayber ng tow truck na si Edward De Jesus ng Doña Helen Subd., Camarin, QC.
Sa imbestigasyon ni PO2 Rene Dela Cruz, lu militaw na papalabas ng commercial complex ang Toyota Fortuner (LPT-568 ) ni Cortez patungo sa direksyon ng Maynila nang biglang sumulpot ang Izusu Elf Tow Truck ( CSY-180 ) ni De Jesus na may hilang tractor trailer (PUE-573) na patungong Pampanga.
Dahil sa biglang paglabas ng sasakyan ng mga biktima ay hindi na nakayanang ni De Jesus na ihinto pa ang kanyang sasakyan kaya nasalpok nito ang kanang bahagi ng SUV ng mga biktima.
Umabot ng tatlong oras bago maalis ang nakahambalang trailer truck na hila ng tow truck sa kahabaan ng highway kung saan nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko.
Matapos namang malapatan ng lunas sa Bulacan Medical Center ay pinahintulutan ng mga doktor na makauwi ang mga biktima. Boy Cruz at Joy Cantos