BULACAN, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 39-anyos na negosyante makaraang bigtihin at barilin sa loob ng kanyang kotse sa bisinidad ng Barangay Tabe sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Natagpuang patay sa loob ng Honda Civic (ZRU 296) ang bangkay ni Edwin Romeo San Diego na may-ari ng gasolinahan sa Meycauayan City, nakatira sa Sitio Kabilang Bakod sa Barangay Sta. Rita at sinasabing manugang ni Plaridel Mayor Tessie Vistan.
Ayon kay PO3 Mark Manaig, natagpuan ang bangkay ni San Diego dakong alas 6:50 ng umaga kahapon matapos mamataan ng security guard sa ginagawang Northrail Transit ang nakaparadang kotse na umaandar pa ang makina.
Nabatid na napansin na ng security guard ang presensiya ng kotse ng biktima noong Martes ng umaga ngunit hindi niya pinansin sa pag-aakalang pansamantalang iniwan ng may-ari dahil may mga kabahayan sa paligid nito.
Nang bumalik na sa pagbabantay kinabukasan ang security guard ay nanatili pa rin ang kotse ng biktima kaya kaagad na ipinaabot sa pulisya. May tama ng bala ng 9mm sa dibdib ang biktimang binusalan ang bibig at binigti na sinasabing may 20 oras nang patay sa loob ng kotse. Natagpuan sa loob ng kotse ang isang 9mm na baril, cell phone, pitaka at iba pang personal na gamit ng biktima. Boy Cruz