MANILA, Philippines - Apat-katao kabilang ang tatlong bata na sinasabing kasama sa prayer vigil ang kumpirmadong nasawi makaraang maipit sa dalawang sasakyang nagsalpukan na ikinasugat naman ng pitong iba pa noong Biyernes ng gabi sa kahabaan ng highway sa Barangay Fortaleza sa bayan ng Tuburan, Cebu.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Janine Oros, 10; Janine Tahanlangit, Jessica Sayson,14; at si Levi Tapil, 34, na namatay sa Tuburan Hospital.
Samantala, sugatan naman sina Daisy Mae Tapil, 12; Richard Tapil, 5; Jamse Lester Gecain, 10; at si Gina Tapil, 34.
Nabatid na ang pitong sugatan ay isinugod sa ospital sa tulong ng pampasaherong Corominas Bus Liner na naparaan sa nabanggit na lugar.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, kasalukuyang abala sa prayer vigil ang grupo ng mga sibilyan ng magsalpukan ang kulay dilaw na pick-up Nissan Frontier na may plakang GTF -758 ni Anthony Cabintoy at ang motorsiklong (6472) na nakaparada sa gilid ng highway at isa pang traysikel.
Matapos suyurin ng pick-up ang motorsiklo ay inararo rin nito ang mga residente na nagsasagawa ng prayer vigil.
Patuloy naman ang manhunt operations ng mga awtoridad sa tumakas na drayber ng pick-up na si Cabintoy na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property, multiple homicide and serious physical injuries. Joy Cantos