Peace covenant binastos ng PNP
IMUS, Cavite, Philippines — Lumagda kahapon sa manipesto ang mga lokal na opisyal at kandidato sa Cavite bilang pagpapakita ng kanilang oposisyon sa peace covenant na nakatakdang ganapin ngayon (Marso 12) sa Camp Pantaleon Garcia sa bayan ng Imus dahil sa patuloy na pagtanggi ng pamunuan ng pulisya na sumunod sa kautusan ng korte na pumipigil sa pagpapalit kay P/Senior Supt. Alfred Sotto Corpus bilang provincial director.
Aabot sa 37 kandidato ang lumagda sa manipesto kung saan nakasaad ang kanilang paniniwala na ang pamunuan ng PNP ay walang moral at legal na kapangyarihan na mag-organisa o makibahagi sa gaganaping peace covenant sa alegasyong hindi sila maaring ituring na tagapangalaga ng kapayapaan.
Ayon sa manipesto, ang PNP, mula kay DILG Secretary Ronaldo Puno hanggang kay Cavite police director P/Senior Supt. Primitivo Tabujara, ang walang-pakundangang pagsuway sa utos ng mababang korte ay katumbas na rin ng pagyurak sa ating dangal bilang mamamayan.
Sa paglabag na ito ng PNP, nawalan sila ng karapatang mag-utos sa mamamayan na igalang ang batas.
Nakasaad pa sa manipesto na nangangamba ang taumbayan na ang PNP ay magamit ng ilang pulitikong may pansariling interes na baguhin ang kalalabasan ng automated elections sa harap ng lantarang paglabag ng kapulisan sa batas.
Noong Enero 8, naglabas ng 72-hour temporary restraining order (TRO) si Judge Norberto J. Quisumbing ng Imus Regional Trial Court Branch 21 na pumipigil sa pagpalit sa puwesto ni P/Senior Supt. Alfredo Sotto Corpus.
Ipinagwalang-bahala ng PNP ang kautusang ito at iniluklok pa rin sa puwesto si Tabujara kung saan naglabas din ng Status Quo Ante Order ang RTC Branch 90 sa ilalim ni Judge Perla Faller na naglalaman ng kaparehong kautusan.
Sa kabila ng kawalan ng tiwala sa PNP, ipinahayag ng mga lumagda sa ma nipesto ang kanilang paggalang sa posisyon ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at sa Diocese ng Imus sa paglagda sa peace covenant. Cristina Timbang
- Latest
- Trending