2 Tsinong kinidnap nasagip
MANILA, Philippines - Dalawang negosyanteng Tsino na sinasabing 3-buwang binihag ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang nailigtas ng mga pulisya sa isinagawang follow-up operation sa bayan ng Sumisip, Basilan noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Supt. Bienvenido Latag, officer -in-charge ng Autonomous Region in Muslim Min danao PNP ang mga bihag na sina Michael Tan at Oscar Lu.
Sinalakay ng mga awtoridad ang kubong pinagtataguan sa dalawang bihag sa Barangay Binembengan, dakong alas-8:10 ng gabi kamakalawa.
“This is a result of constant pressure and combat operations against the abductors by combined forces of the PNP and AFP in the area,” giit naman ni PNP spokesman Chief Supt. Leonardo Espina.
Walang kapalit na ransom ang pagpapalaya sa dalawang bihag bagaman may mga ulat na nagbayad ng board and lodging ang mga biktima.
Nauna nang humingi ng P25 milyong ransom ang grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama sa pamilya ng mga bihag na naibaba sa P13 milyon kapalit ng pagpapalaya.
Ang dalawang Tsino at ang security guard na si Mark Singson ay binihag matapos salakayin ang Hi-Tech Plywood Corp. sa Brgy. Townsite, sa bayan ng Maluso, Basilan noong Nobyembre 10.
Gayon pa man, si Singson ay pinugutan noong unang Linggo ng Disyembre matapos mabigong magbayad ng P1.5 milyong ransom kung saan narekober ang ulo nito sa Plaza Rizal ng Isabela City, Basilan. Joy Cantos
- Latest
- Trending