El Niño sa Norte grumabe
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Bukod sa posibleng pansamantalang brownout, pagkalanta ng mga pananim at pagkamatay ng mga isda dahil sa kawalan ng sapat na tubig ay namamatay na rin ang mga alagang hayop dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Sa Cagayan na nasa state of calamity ay umaabot na sa P400 million halaga ng palay ang hindi na mapakinabangan habang umaabot naman sa P800 million na mais ang napinsala dahil sa El Niño.
Unang nagdeklara naman ang Isabela ng state of calamity matapos mapinsala ang mga pananim na palay at mais dahil sa kawalan ng ulan at kakulangan ng tubig sa irigasyon matapos bumaba ang tubig sa Magat dam sa Ramon, Isabela. Bukod sa mga pananim ay nagkakaroon na rin ng fish kill sa mga fish net sa Magat dam kung saan nanggagaling ang mga supply ng tilapia sa Region-02.
Ayon kay Mang Dante, residente ng nasabing lugar, ang bawat kilo ng tilapia na dati ay binebenta sa halagang P60 hanggang P65 bawat kilo ay pinapakyaw na ngayon sa halagang P40 hanggang P45 per kilo. Dahil sa kakulangan ng oxygen ng mga isda sa dam dahil sa init ng panahon ay napipilitan na umano ang mga mangingisda na ibenta ang mga ito sa mas murang halaga kaysa mamatay dahil sa kawalan ng tubig sa dam.
Sa lalawigan naman ng Ifugao ay ideneklara na rin ang state of calamity matapos mamatay ang kanilang mga alagang hayop tulad ng mga kalabaw, baka at kambing na umaasa sa pagkaing damo na natutuyo dahil sa init ng panahon. Ang Banaue rice terraces na dati ay sagana sa tubig at itinuturing na isang pangunahing tanawin ng ating bansa ay hindi rin nakaligtas sa tag-tuyo’t dahil sa El Niño. Ang iba pang mga bayan ng Ifugao na apektado ng El Niño ay ang Alfonso Lagawe, Agui naldo, Alfonso Lista at Lamut. Sa Nueva Vizcaya naman ay magkakasunod ang malalaking sunog sa mga kabundukan at kagubatan sa mga bayan ng Diadi, Bagabag, Bayombong at Kayapa na nagdulot rin ng pagkamatay ng mga pananim na prutas at mga punong kahoy. Victor Martin
- Latest
- Trending