MANILA, Philippines - Animo’y kinatay na baboy ang katawan ng batang babae makaraang pagtatagain ng adik sa bawal na droga kamakalawa sa Isla Suerte sa Times Beach sa Davao City, Davao. Halos magkahiwa-hiwa ang katawan at nasawi si Jermain Mandagway 6, habang naaresto naman ng pulisya ang notoryus na adik na si Jason “Ton-ton” Policarpio na sinasabing umamin sa krimen. Napag-alamang iniwan ng inang si Marcosa ang biktima kasama ang dalawa pang anak na natutulog sa kanilang bahay. Ayon sa ulat, nagising ang nakatatandang kapatid na si Genalyn at lumabas ng bahay upang hanapin ang isa pang kapatid. Subalit pagbalik ni Genalyn sa kanilang tahanan, ay duguang nakabulagta na ang biktima. Ilang testigo ang nagturo kay Policarpio na pumasok sa bahay ng biktima kaya inaresto ito ng pulisya. Joy Cantos