2 mayoralty bet itinumba
MANILA, Philippines - Dinisqualify na ni kamatayan ang dalawang mayoralty bet sa nalalapit na May 10 national elections makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa magkahiwalay na karahasan sa Iloilo at Cotabato.
Sa report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na kalalabas lamang ng Jaro Cathedral sa Iloilo City si Luis Mondia Jr. kasama ang kanyang asawa’t apo at pasakay na ng kanyang kotse sa gilid ng simbahan na may layong 150 metro mula sa himpilan ng pulisya nang lapitan at ratratin ng maskaradong lalaki.
Naisugod pa si Mondia sa Iloilo Mission Hospital pero idineklarang patay bandang alas-11 ng gabi dahil sa mga tama ng bala sa kaliwang balikat, batok at iba pang bahagi ng katawan.
Naniniwala ang pulisya na professional gunman dahil hindi napansin ng mga tao ang pamamaslang kay Mondia.
Nabatid na si Mondia, 56, ay nagsilbing alkalde sa bayan ng Pulupandan ng tatlong termino bago tumakbong bise alkalde kasama ang kanyang utol na mayoral bet na si Samson Mondia noong 2007 election subalit natalo kay Magdaleno Peña.
Si Mondia ay kandidato sa mayoralty race sa nalalapit na May 10 national elections kasama ang kanyang utol na si, Gina Mondia-Villanueva, bilang vice mayoraltty bet.
Gayon pa man, itinanggi ni Mayor Peña na may kinalaman siya sa insidente matapos ang interview sa isang television network.
Kaagad namang iniutos ni P/Chief Supt. Isagani Cuevas ang pagbuo ng Task Force Mondia upang imbestigahan ang insidente.
Samantala, napaslang naman ang mayoralty bet na si Datu Errol Sinsuat, 38, ng Lakas-Kampi-CMD na kaalyado ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan matapos na ratratin habang sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Don Rabago Avenue sa Cotabato City noong Miyerkules ng gabi.
Si Sinsuat ay chairman sa Barangay Pinansarana sa Datu Blah, Maguindanao at nagsilbing tauhan ng mga Ampatuan sa mahabang panahon.
- Latest
- Trending