MANILA, Philippines - Nakatakas kahapon ng umaga sa detention cell sa Sultan Kudarat ang isang retiradong police colonel na inaresto kaugnay ng pagkakasangkot sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23.
Kinumpirma ni P/Chief Supt. Josefino Cataluna, director ng police regional office ang pagtakas ni ex-P/Supt. Mangilem “Piang” Adam na sinasabing dating hepe ng Maguindanao police office.
Si Adam ay kilalang kaalyado ng mga Ampatuan at sinasabing nag-supply ng mga baril na ginamit sa Maguindanao massacre.
Pinagpapaliwanag naman ni Cataluna ang mga jailguard sa Sultan Kudarat Provincial Jail na nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin at makasuhan.
Base sa impormasyong nakuha ni Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu, bukas ang main gate ng provincial jail kaya malayang nakatakas si Adam.
Si Adam ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at malversation of public funds or property dahil sa kabiguang i-account ang 308 baril na nagkakahalaga ng P2.33 milyon.
Naunang kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group si Adam matapos na madiskubre na napunta sa angkan ng mga Ampatuan ang iba’t ibang uri ng baril at bala na nakaisyu sa Maguindanao PNP. Joy Cantos