Karambola ng 3 van: 20 students sugatan
KIDAPAWAN CITY , Philippines — Aabot sa 20 mag-aaral ng University of Southern Mindanao ang iniulat na nasugatan makaraang magkarambola ang tatlong pampasaherong van sa kahabaan ng highway sa Barangay Paco, Kidapawan City, North Cotabato kahapon ng umaga.
Naisugod naman sa Kidapawan Medical Specialist Center, at Kidapawan City Hospital ang mga sugatang biktima na pawang mga 2nd year Agricultural students ng USM na sinasabing patungo sana ng Garden City of Samal sa Davao City para sa field trip.
Ayon kay SPO2 Raymundo Lam-an, hepe ng Traffic Division ng Kidapawan City PNP, binabaybay ng tatlong pampasaherong van na sinakyan ng mga estudyante ang highway nang biglang huminto ang unang van sa gitna ng highway para isakay ang ilan pang estudyante na naghihintay.
Dahil sa ‘di-inaasahan ay sumalpok sa likuran ng van ang ikalawang van hanggang sa bumangga naman ang ikatlong van na may mga plakang LGA 764, LWV 244 at LGN 160.
Napag-alamang nagtuloy pa rin sa field trip, ang ilang estudyante na nakaligtas naman sa sakuna habang ang tatlong van at mga drayber nito ay nasa custody ng pulisya. Malu Manar
- Latest
- Trending