CAMP SIMEON OLA, Legazpi City , Philippines — Kamatayan ang sumalubong sa isang 73-anyos na ama makaraang pagsasaksakin ng kanyang anak na lalaki sa mismong kaarawan ng matanda kamakalawa ng gabi sa Barangay Panicuason, Naga City, sa Camarines Sur. Halos magkagutay-gutay ang katawan ni Bartolome Verano Sr. nang tigilang ng suspek na si Bartolome Verano Jr. na naaresto naman ng pulisya matapos isagawa ang brutal na pamamaslang. Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na magkasamang nag-iinuman ng alak ang mag-ama at ilang bisita kaugnay sa pagdaraos ng kaarawan ng matanda nang kapusin ng alak. Kaagad naman inutusan ng matandang lango na rin sa alak ang kanyang anak na bumili sa kalapit na tindahan subalit tumanggi ito. Dito na binato ng bote ng alak ang suspek hanggang sa maganap ang brutal na krimen. Ed Casulla