BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Limang kawal ng 54th Infantry Battalion ng Phil. Army na sinasabing nakatalaga sa ginagawang Halsema Highway ang iniulat na napaslang makaraang makasagupa ng mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa ng umaga liblib na bahagi ng Barangay Mainit sa bayan ng Bontoc, Mt. Province.
Ayon kay Col. Loreto Magundayao, pinuno ng 5th Infantry Division na nakabase sa bayan ng Gamu Isabela, ang sagupaan ay naitala dakong alas-10:30 ng umaga kung saan kabilang sa mga napatay ay sina Corporal Napoleon Ramirez, Private First Class Joseph Casem, Private First Class Velasco Mayao, Private First Class Joey Corpuz, at si Private First Class Camilo Abad habang sugatan naman si Private First Class Salvador Villanueva.
Nakasagupa ng tropa ng 54th Infantry Battalion’s Alpha Company sa pamumuno ni 1st Lt. Victor Leopoldo ang grupo ni Ka Ronnie/Ka Dandan.
“Our government troops were there to provide further security to the ongoing construction of the multimillion-peso Halsema Highway project of the national government when they chanced upon the rebels,” pahayag ni Magundayao.
Kasalukuyang tugis ng militar gamit ang helicopter mula sa 5th Infantry Division ang mga rebeldeng mula sa Kilusang Larangang Gerilya ng Ilocos Regional Party Committee. Victor Martin