7 sundalo sugatan sa landmine
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Pitong sundalo ng 57th Infantry Battalion ng Phil. Army ang iniulat na nasugatan makaraang sumabog ang landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa kahabaan ng highway sa Sitio Dansig, Barangay Old Bulatucan sa bayan ng Makilala, North Cotabato kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga tinamaan ng shrapnel ng bomba ay sina Cpl. Geruel Hipe, Private First Class servicemen na sina Levie Tactaquin Paranal, Josel Miravilles, Jester Pancho, Ramon Piala, Jr., Ariel Tambagan, at si John Eduard Tangub.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Norberto Batislaong, North Cotabato police director, lulan ng military truck ang mga biktima pabalik sa kampo ng 62nd Division Reconnaissance Company mula sa paglalaro ng basketball sa Mt. Apo Alliance Bible College sa nabanggit na barangay nang sumabog ang mina sa kalsada.
Naisugod naman ang mga sugatang sundalo sa Medical Specialist Hospital sa bayan ng Makilala.
Narekober sa blast site ang electric wire na may habang 200 metro at mga basag na matitigas na bagay kung saan lumikha ng 2.5 metro lawak at 1.5 metrong lalim.
Pinaniniwalaang grupo ni Kumander Inoy ng NPA Front Guerilla 52 ang nasa likod ng pagpapasabog. Malu Manar
- Latest
- Trending