12 private army sa Masbate natukoy
MANILA, Philippines - Umaabot sa 12 ang bilang ng private armies o private armed group ang natukoy ng Philippine National Police sa Masbate kaugnay ng misyong supilin ang anumang karahasan sa darating na pambansa at lokal na halalan sa Mayo ng taong ito.
Ito’y matapos ang isinagawang security assessment ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa sa lalawigan.
Kabilang sa naturang mga grupo ay ang mga private armies na kontrolado ng mga grupong naghahari sa lugar kasama na ang mga rebeldeng New People’s Army na nangingikil ng Permit to Campaign fees sa mga kandidato.
Ang Masbate ay kabilang sa mga idineklarang hotspot sa pagdaraos ng halalan na isinailalim sa kontrol ng Comelec.
Sa tala ng PNP, ang Masbate ay ikalawa sa nakapagtala ng Election Related Violence at pangalawa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa nakaraang mga halalan. Joy Cantos
- Latest
- Trending