3 Dawlah terrorists sumuko sa Marines
COTABATO CITY, Philippines — Tatlong kasapi ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang sumuko sa isang unit ng Philippine Marines nitong Martes.
Sa mga hiwalay na ulat ng 1st Marine Brigade at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, kusang loob na nakipag-ugnayan ang tatlong local terrorists, sa tulong ng mga local executives, sa mga opisyal ng Marine Battalion Landing Team-2 at nangako sa kanilang magbabagong buhay na at tutulong sa mga peace and security projects ng naturang unit.
Sakop ng MBLT-2 ang mga bayan ng Barira, Matanog, Parang at ilang mga barangay sa Sultan Mastura at Sultan Kudarat sa probinsya ng Maguindanao del Norte.
Ang mga units ng 1st Marine Brigade sa Maguindanao del Norte ay nasa ilalim ng operational control ng 6th Infantry Division.
Ipinakustodiya muna ng tatlong terorista ang dalawang 60 millimeter mortars, isang B-40 rocket launcher at mga improvised explosive devices sa mga opisyal ng MBLT-2 bago sila sabay na nanumpa ng katapatan sa pamahalaan at nangakong magbabagong buhay na.
Sa salaysay ng tatlong sumuko, matagal silang nagpalipat-lipat sa mga liblib na mga lugar sa Barira upang hindi matunton ng tropa ng MBLT-2 na malawak ang saklaw ng anti-terror operations sa naturang bayan.
- Latest
















