Police official sa Abra sinibak dahil sa shoot fest
CAMP BADO DANGWA, Benguet, Philippines — Sinibak sa puwesto ang police provincial director ng Abra matapos magpasimuno ng shoot fest sa unang araw na pinaiiral ang Comelec gun ban.
Kinilala ni P/Chief Supt. Orlando Pestano, regional director ng Cordillera Administrative Region, ang opisyal na si P/Supt. Charlo Collado kung saan sasailalim din sa imbestigasyon dahil sa paglabag nito sa Comelec gun ban.
Napag-alamang ginanap ang shooting competition sa pamumuno ni Collado sa loob mismo ng bakuran ng kaibigan niyang pulitiko sa Abra.
Pinaiimbestigahan na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, si Collado dahil sa hindi pagrespeto sa Comelec gun ban.
“Kesa naman daw si General Pestano ang imbestigahan at maputukan, si Collado na ang sinibak,” ayon sa source mula sa nabanggit na kampo.
Sinasabing si Collado, kasama ang ilang pulis at mga alalay ng pulitiko ay lumahok sa shooting competition noong Enero 11 kahit mahigpit na utos ng PNP hierarchy na bawal na ang magdadala ng baril at ang pagsasagawa ng shooting competition dahil sa nalalapit na halalan.
Pansamantalang bakante ang nabanggit na puwesto dahil kailangang kumuha ng clearance sa Comelec bago magtalaga ng opisyal ng pulisya subalit may kumakalat na balita na si P/Senior Supt. Ernesto Gaag, hepe ng Regional Mobile Force Group ng Cordillera ang sinasabing ipapalit kay Collado. Myds Supnad
- Latest
- Trending