IBA, Zambales , Philippines — Bumuo ngayon si Zambales Governor Amor Deloso ng fact-finding committee para pangunahan ang masusing imbestigasyon sa napaulat na pagkawala ng dalawang isla sa karagatang sakop ng Zambales.
Ilang residente ang nabahala dahil sa pagkawala ng Balas Igid at Balas Ta-aw Island na sinasabing dalawang maliliit na isla sa South China Sea malapit sa baybay ng Candelaria, Zambales.
Ang dalawang isla ay nagsisilbing kanlungan at pahingahan ng mga mangingisda kung saan nagiging panangga ng kanilang komunidad mula sa malalaking alon o storm surge kung panahon ng bagyo.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source na isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan at may-ari beach resort sa bayan ng Candelaria ang nag-utos para hakutin ang tone-toneladang puting buhangin sa dalawang isla saka itambak sa pag-aaring beach resort.
Bunsod nito, pupulungin ni Gov. Deloso ang mga hepe ng Provincial Mining Regulatory Board sa pamumuno ni Atty. Noel S. Ferrer, at Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO), ng pamahalaang lokal para sa paglikha ng task force na magsisiyasat sa alegasyon.
“Aalamin ng task force ang katotohanan sa alegasyon na hinakot ang white sand ng mga isla at itinambak sa pribadong beach resort na matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng Santa Cruz at Candelaria,” pahayag ni Deloso.
Inaasahan na magsusumite ng ulat at rekomendasyon ang task force sa susunod na buwan. Randy Datu