Cavite blast: Drug pusher gutay, 4 pulis grabe
CAVITE, Philippines — Nagutay ang katawan ng isang drug pusher na sinasabing miyembro rin ng private armed group matapos na sumabog ang granadang hawak nito na ikinasugat ng malubha ng apat na pulis habang isinisilbi ang warrant of arrest laban dito sa Barangay De Ocampo sa Trece Martires City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Peter Paredes ng de Ocampo Village habang isinugod naman sa Mark James Hospital at Santiago Medical Center ang mga sugatang sina PO3 Roderick Amores, PO3 Benjamin Espineli, PO1 Estelito Bergado at si PO1 Rolando Cativo.
Sinasabing naputulan ng kaliwang kamay si PO3 Espineli habang si PO1 Rolando Cativo ay naputulan ng kanang daliri, nagtamo din ng mga tama ng shrapnel ang buong katawan ng mga biktima
Ayon kay P/Senior Supt. Primitivo Tabujara, intelligence chief ng Region 4-A, maghahain sana ng search warrant na inisyu ni Judge Lirio Castigador ng Naic Regional Trial Court Branch 15 ang mga pulis sa bahay ni Peter Paredes sa Cavite nang bigla nalang sumabog ang granada sa loob ng kanyang kuwarto sa Barangay De Ocampo.
Sinasabing nagtago sa ilalim ng kama si Paredes habang hawak ang granada nang sunggaban ito ng mga pulis at sumabog ang granadang hawak ni Paredes bandang alas-7:45 ng gabi.
Naaresto naman sa operasyon sina Policarpio Paredes, Cenon Mores at si Leo Manaig matapos makorner ng raiding team.
Sa talaan ng pulis, si Paredes ay sinasabing miyembro ng sindikato na nagtatago ng mga armas at granada kung saan sangkot din sa pagtutulak ng droga.
Narekober sa lugar ang isang M16 Armalite rifle, 2 granada, apat na magazine para sa M16 rifle, mga bala. Cristina Timbang, Arnell Ozaeta at Joy Cantos
- Latest
- Trending