Pamilya, 4 minasaker dahil sa land dispute
NUEVA ECIJA, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng apat na miyembro ng pamilya kabilang ang walong buwang gulang na sanggol na babae makaraang pagbabarilin ng mga di-pa nakilalang kalalakihan sa naganap na masaker sa Purok 1, Barangay Lawang Kupang sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Marcela Galicia, 50; anak nitong si Arturo Galicia, 28; manugang na si Cecille Galicia, 25 at ang sanggol na si Aicelle.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Arnold Palomo, officer-in charge sa himpilan ng pulisya sa bayan ng San Antonio, bandang alas-7:30 ng gabi nang makarinig ng mga putok ng baril ang mga kapitbahay ng pamilya Galicia.
Ayon kay Palomo, narekober ang walong basyo ng 9mm pistol sa crime scene.
Ang bangkay ni Arturo at ina nito ay natagpuan sa labas ng bahay habang ang mag-ina nito ay pinatay naman sa loob ng bahay.
Isa naman sa anggulong sinisilip ng mga awtoridad ay ang alitan sa lupa na sinasabing may pitong taon na, ayon pa sa opisyal.
Kasalukuyan namang inaalam ng pulisya ang mga mensahe sa cell phone ni Cecille na posibleng makatulong sa imbestigasyon habang inumpisahan na rin nilang siyasatin ang mga kapitbahay at kamag-anak ng mga biktima.
Napag-alamang pinatay din ang ama ni Arturo na si Timoteo Galicia noong Nobyembre 7, 2003 dahil sa sinasabing alitan sa lupain na pag-aari ni Lito Lustre.
- Latest
- Trending