20 sugatan sa road mishap
MANILA, Philippines - Aabot sa 20- katao ang iniulat na nasugatan sa naganap na karambola ng mga sasakyan sa unang araw ng 2010 sa Barangay Andap, New Bataan, Compostela Valley.
Ayon kay Army’s 66th Infantry Battalion commander Lt. Col. Emmanuel Sequitin, agad na nagsagawa ng rescue operations sa mga biktima at naisugod sa Philippine Army sa Montevista District Hospital.
Nabatid na ang pitong biktimang lulan ng kuliglig na minamaneho ni Jose Celestino ay papauwi na sana sa Barangay Cabinuangan mula sa pagtitipon sa selebrasyon ng Bagong Taon sa Bamboo Resort nang mawalan ng preno.
Bunga nito, sumalpok ang sasakyan ni Celestino sa kasalubong na traysikel (LK 4620) ni Menecio Damuag na may lulang 5-pasahero.
Tumilapon ang sasakyang kuliglig saka sumalpok sa Toyota Vios (LGM 645) ni Vergil Icat at sa lakas ng pagkakabangga ay sumalpok pa sa nakaparadang motorsiklo ni Elmer Nunez kung saan nadamay ang ilang bystander.
May ilang ulit na gumulong ang sasakyang kuliglig sa may layong 200 metro na malubhang ikinasugat ng mga biktima.
Nagkataon namang napadaan sa lugar ang tropa ng Army’s 66th Infantry Battalion kaya nasaklolohan ang mga sugatan. Joy Cantos
- Latest
- Trending