Basilan idineklarang ‘Abu Sayyaf free’

COTABATO CITY, Philippines — Nadeklarang wala nang presensya ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan sa isang makulay na seremonya sa probinsya nitong Lunes, na dinaluhan ng dalawang kinatawan ng Malacañang.
Iniulat nitong Martes ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete, commander ng Western Mindanao Command, na lubusan ng Abu Sayyaf-free ang Basilan bilang resulta ng mga magkatuwang na security programs ng mga residente nito, mga local executives sa pangunguna ni Gov. Hadjiman Salliman, ng Basilan Provincial Police Office, ni Brig. Gen. Alvin Luzon na commander ng 101st Infantry Brigade at ni Basilan Congressman Mujiv Hataman.
Dumalo sa programang kaugnay ng pagproklama sa Basilan na wala nang ni isa mang teroristang Abu Sayyaf nitong Lunes sina Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity Carlito Galvez, Jr., Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo, Jr. at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at local government officials sa probinsya.
Ayon kay Salliman, hindi nila ganap na magagapi ang ASG sa Basilan kung hindi sa pagtutulungan ng mga local government executives, mga opisyal ng iba’t ibang Army at police units sa probinsya, mga Muslim at Christian religious leaders, Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front na may mga hiwalay na peace agreements sa Malacañang.
Tampok sa naturang okasyon, ginanap sa provincial capitol ng Basilan sa Santa Clara sa Lamitan City, ang pagsira, gamit ang isang pison, ng daan-daang mga combat rifles na isinuko ng mga Abu Sayaff terrorists na nagbalik loob sa pamahalaan nitong nakalipas na mga taon.
Marami sa naturang mga baril ay boluntaryong ipinakustodiya ng mga residente ng probinsya sa 101st Infantry Brigade bilang tugon sa Small Arms and Light Weapons Management Program ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at ng WestMinCom, isang regional disarmament campaign bilang suporta para sa Mindanao peace process ng Malacañang.
- Latest



















