22 Koreano naisalba sa karagatan
MANILA, Philippines - Nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang 22-Koreano kabilang ang isang nasugatan makaraang lumubog ang sinasakyang cargo vessel habang naglalayag sa karagatan ng Barangay Taggat Norte, Claveria, Cagayan kamakalawa.
Naisugod naman sa Agra Clinic ang nasugatang Koreano na si Ho Chol Jon na sinasabing tinamaan ng propeller ng bangka.
Samantala, ang 21 iba pa ay pansamantalang kinukupkop sa bahay ni Chairman Arsenio de la Peña ng Barangay Taggat Norte.
Kabilang sa mga naisalba ay sina Jong Su Ri, Chol Ho Pak, In Chol Jon, Chol Hwan Jong, Kun Sik Choe, Chol Ung Rim, Kwang Chol Jong, Chol Sun Han, Il Nam Jo, Hak Gwan An, Jong Song Choe, Tong Il Kim, Chul Il Pak, Chol Ho Kim, Kwang Su Choe, Man Jin Han, Hae Yong Ro, Jong Gil Jang, Tong Gun Kim, Ki Ung Jon at si Yong Min Ham.
Lumilitaw na lumubog ang barkong Nam Yang 8 na may lulang 2,615 toneladang magnetite mula sa Appari, Cagayan dakong alas-8:30 ng gabi noong Disyembre 31 kung saan may ilang oras bago ang New Year countdown.
Sinasabing hindi balanse ang kargamento ng barko kaya tumaligid bago lumubog kung saan napilitang lumangoy ang mga Koreano hanggang sa mapadpad sa fishport ng Taggat Norte sa pagitan ng alas-6 at 7 ng umaga kahapon. Joy Cantos
- Latest
- Trending