Pabrika naabo: Mag-ina, 1 pa natusta

MANILA, Philippines - Natusta ang katawan ng mag-ina at isa pang sibil­yan makaraang maku­long sa loob ng nasusunog na pabrika ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Gingoog City, Mi­samis Oriental kamaka­la­wa ng gabi.

Hindi na makilala ang nag­mistulang uling na bang­kay ng mag-ina na sina Jucilyn Guibone at anak nitong si Juros, 5, at isa pang ‘di nakilalang lalaki.

Batay sa report na na­ka­rating sa Camp Cra­me, lumilitaw na nasunog ang pagawaan ng paputok na pag-aari ni Adonis Guibone sa kahabaan ng Barangay 22 A sa lungsod pasado alas-6 ng gabi.

Napag-alamang dalawa sa mga trabahador sa pabrika ng paputok ang tinesting ang lakas ng pagsabog ng paputok (Silver Star), isa sa mga ipi­nagbabawal na malakas na uri ng paputok.

Gayon pa man, sa halip na paitaas ay tumama ang sinindihang paputok sa nakaimbak na mga pa­putok na nagmistulang war zones sa sunud-sunod na malalakas na pagsabog na lumikha ng makapal na usok at pagkalat ng apoy.

Nang mabatid naman ng misis na naglalaro ang kani­yang anak sa loob ng pab­rika ng paputok ay sinuong nito ang makapal na usok upang sagipin ang bata.

Nabatid na hindi na nagawa pang makalabas ng mag-ina matapos ma­kulong sa naglalagablab na pabrika.

Sa inisyal na pagtaya, sinabi ng opisyal na uma­abot sa P.4 milyong ari-arian ang pinsala ng sunog sa pabrika ng paputok ng pamilya Guibone.

Show comments