36 nawawala, 69 nailigtas... Barko lumubog: 6 pasahero dedo
BATANGAS CITY, Philippines — Aabot sa anim na pasahero kabilang na ang isang sanggol ang kumpirmadong nasawi habang 36 iba pa ang nawawala at 69 ang nailigtas makaraang lumubog ang barkong roll-on, roll-off (RORO) sa karagatang malapit sa may Verde Island, Sitio Agapito sa Batangas City, Batangas noong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Danny Asedillo, terminal supervisor ng Calapan Port ang mga nasawi na sina Jenny Cabral Mutia, 36, ng Socorro, Oriental Mindoro; Lealyn Peñaranda, 20, ng Pola, Oriental Mindoro; Angelica Barbara Balanza, 8-month-old baby; Jennilyn Gutierrez, June Panagsayan at isang babae.
Pansamantalang inilagak sa Funeraria Naujan sa Calapan ang mga nasawi at dadalhin din sa Batangas Port para makuha ng kanilang mga kaanak.
Samantala, habang ginagawa ang ulat na ito nawawala pa rin ang 36 pasahero na pinaghahanap ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at private shipping companies sa bisinidad ng Isla Verde sa Batangas at Chico Point sa Baco, Oriental Mindoro.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard, bandang alas-9:30 ng gabi nang maglayag ang M/V Baleno 9 mula sa Calapan Port at magsimulang tumagilid papakaliwa bandang alas-9:45 ng gabi hanggang sa tuluyan na itong lumubog bago mag-alas-12 ng gabi.
Sa pahayag ni Lt. Commander Troy Cornelio, hepe ng Batangas Coast Guard, posibleng may pananagutan ang may-ari ng M/V Baleno 9 na Besta Shipping Lines matapos madiskubre na 20 pasahero at 16 crew member lamang ang nakatala sa manifesto taliwas sa kabuuang sakay nito na 88-katao.
Batay sa salaysay ng mga nakaligtas, nakata gilid na ang barko sa kaliwa bago pa ito lumayag mula Calapan Port patungong pantalan ng Batangas kung saan may lulan ding 10 cargo trucks, anim na 10-wheeler trucks, apat na cargo jee pney at isang pribadong sasakyan.
“Posibleng over loaded kami ng sasakyan at mga pasahero kasi maraming namasko sa Mindoro,” pahayag ng survivor na si Alberto Perez.
“Akala ko mamatay na ako nang madaganan ako ng mga tao, buti nalang maliwanag ang buwan kaya nasundan ko kung saan ako dadaan papalabas ng barko,” kwento ni Perez
Magsasagawa ng maritime inquiry ang kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa may-ari at mga tauhan ng nasabing barko para magpaliwanag sa naganap na trahedya. Dagdag ulat nina Juancho Mahusay at Ed Amoroso
- Latest
- Trending