Bihag na empleyado pinugutan ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Sinakmal ng matinding sindak ang mga residente ng Basilan matapos matagpuan ang ulo ng isa sa tatlong bihag na pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf dito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Mark Singson, empleyado ng Hi Tech Woodcraft Industry Corporation na nakabase sa bayan ng Maluso.
Sinabi ni Basilan Vice Governor Al Rasheed Sakalahul sa isang panayam na dakong alas-7:45 ng gabi nang makitang inabandona ng dalawang lalaki ang isang dilaw na backpack sa plaza ng Isabela City.
“Narekober agad yung ulo dahil nag-text ang mga kidnapper kay George Tan (operator ng HighTech) na ang sabi, kunin n’yo na ang ulo ni Singson,” ani Sakalahul.
Ang pagkakarekober sa pugot na ulo ni Singson ay lumikha ng pagkatakot sa mga taong namamasyal sa nasabing plaza sa pag-aakalang bomba ang laman ng backpack.
Gayunman, nang suriin ng security forces ang nilalaman ng naturang backpack ay laking gulat ng mga ito nang tumambad sa kanila ang pugot na ulo ni Singson na positibo namang kinilala ng kaniyang pamilya.
Sinabing pinaniniwalaang ang kabiguan ng pamilya ng biktima na magbayad ng ransom ang motibo ng pamumugot ng ulo dito.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal, ay hindi pa matiyak ang kalagayan ng dalawang negosyanteng Chinese na sina Michael Tan, 27 anyos; at Oscar Tan Lu, 51 taong gulang, na kasama ni Singson nang bihagin ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama.
Nauna nang humingi ng P25 milyong ransom ang grupo ni Furuji kapalit ng pagpapalaya sa dalawang negosyanteng Chinese nationals at kay Singson.
- Latest
- Trending