BATANGAS, Philippines — Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang apat iba pa ang nasugatan makaraang sumalpok ang Tamaraw FX sa kasalubong na pampasaherong bus sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway sa bayan ng Ibaan, Batangas kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga namatay ay sina Rene Cairo, 57; at Ruben Delavin, kapwa residente ng Dagat-dagatan, Caloocan City.
Naisugod naman sa Batangas Regional Hospital ang mga sugatang sina Bernardo Sabado, Raphael Almeron, Mitch Abalos at si John Gerson Gunida na pawang sakay ng Tamaraw FX (UDK-589).
Ayon kay Carlito America, hepe ng security ng STAR, binabagtas ng Tamaraw FX ni Danilo Cairo ang kahabaan ng Star Tollway patungong Batangas City mula sa Manila nang sumabog ang gulong ng kanyang sasakyan.
Nawalan ng kontrol ang drayber ng FX hanggang sumalpok sa kasalubong na ALPS Bus (DWB-239) pagsapit sa KM 98, Barangay Quilo bandang alas-10:30 ng umaga.
Kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ng pulisya ang dalawang drayber na sina Gregorio Cortas at Danilo Cairo.