MANILA, Philippines - Halagang P10 milyon ang ransom na hinihingi ng Abu Sayyaf para sa pagpapalaya sa tatlong negosyanteng Intsik at isang guwardiya na unang dinukot sa Maluso, Basilan noong November 10.
Ipinarating ng Abu Sayyaf sa pamamagitan ng isang impormante ang kanilang hinihinging halaga sa may-ari ng Hi-Tech Plywood Factory na si George Tan ng makipagpulong ito sa Crisis Management Committee.
Sa ngayon ay bihag pa rin ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama ang mga biktimang sina Jerry Tan, Michael Tan, Oscar Tan; pawang negosyante at ang security guard na si Mark Singson, matapos na dukutin sa tanggapan ng Hi-Tech Woodcraft, Inc., sa Brgy. Town Site, Maluso, Basilan.
Unang nagbigay ng go signal ang Crisis Committee sa mga otoridad na tugisin ang mga kidnappers at ligtas na ma-rescue ang mga biktima.
Kasabay nito, pinagharap na rin ng kasong kidnapping with serious illegal detention ang 28 miyembro ng Abu Sayyaf na sangkot sa pagdukot kay Irish Priest Fr. Michael Sinnott.