22 todas sa madugong sagupaan
MANILA, Philippines - Aabot sa sampung rebeldeng New People’s Army, walong sundalo, isang pulis at tatlong Cafgu ang iniulat na napaslang habang walong iba pa ang nasugatan makaraang sumiklab ang madugong bakbakan noong Miyerkules sa liblib na bahagi ng Barangay Pakwan sa bayan ng Lanuza, Surigao del Sur.
Kabilang sa mga nasawing sundalo ay sina Corporals Gartin Plaza at Mohamad Kair Abdurasic, Privates First Class Kenneth Bactong, Dennis Garfin, Charlito Pico, Jose Belascuan at Privates Raul Paquibot, Charles Orit na sundalo ng 58th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Napaslang din si PO2 Rodolfo Medrano ng 1405th Provincial Police Mobile Group; ang mga Cafgu na sina Dionisito Luces, Edmundo Careño at Hilarion Agudo habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na rebelde na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Sa pamamagitan ng chopper ay naisugod naman sa Camp Evangelista Hospital sa Bancasi, Butuan City at Cagayan de Oro City ang sampung nasugatang sundalo.
Nagsimula ang bakbakan dakong alas-10:30 ng umaga na tumagal hanggang alas-7 ng gabi noong Miyerkules sa Kilometer 16 na umabot hanggang Kilometer 17 sa nabanggit na barangay.
Bago sumiklab ang giyera, sumalakay at sinunog ng mga rebelde ang mga gamit ng Surigao del Sur Development Corp. sa KM 31 kung saan dinisarmahan ang mga security guard bago nagsitakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kagubatan.
Gayon pa man, rumesponde ang tropa ng 59th Infantry Battalion (IB) kasama ang ilang Cafgu at pulisya na tinugis ang mga rebelde hanggang sa magkasagupaan.
Samantala, sa clearing operation narekober ang ilang landmine, Icom radios at mga personal na kagamitan na naiwan ng mga nagsitakas na NPA. Joy Cantos
- Latest
- Trending