50,000 mag-aaral, guro tigil-klase sa Sulu
MANILA, Philippines - Pansamantalang sinuspinde ang klase ng 50,000 estudyante sa elementarya at high school sa Sulu bilang pagluluksa sa sinapit ng bihag na principal na pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf gayundin hangga’t hindi nasisiguro ng mga guro ang proteksyon.
Batay sa ulat, nag-isyu ng memorandum ang District 1 Division ng Department of Education para sa pansamantalang suspensiyon ng klase sa lalawigan.
Nabatid na binabalot ng matinding takot sa pugot ulo phobia ang mga guro na target ng kidnapping ng mga bandidong Abu Sayyaf at bunga nito ay apektado ang edukasyon ng mga kabataan sa Sulu.
Sinabi sa report na ilang araw munang hindi magsasagawa ng klase ang mga guro hangga’t hindi sila nakasisiguro ng proteksyon laban sa mga bandidong Abu Sayyaf mula sa security forces ng PNP at AFP.
Patuloy naman ang pagluluksa ng mga guro sa pinugutang si Gabriel Canizares, principal ng Kanague Elementary School.
Samantala, taliwas sa unang iniulat ng Sulu Provincial Police Office, sinabi ni AFP- Public Affairs Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr. na hinahanap pa ang katawan ni Canizares.
Sa ulat ng Joint Task Force Comet ng AFP, patuloy na sinusuyod ang Barangay Mapal-am sa Patikul at tatlo pang barangay na kilalang balwarte ng mga kidnaper na Abu Sayyaf.
Magugunitang noong Lunes ng umaga ay natagpuan sa bisinidad ng Caltex gasoline station sa bayan ng Jolo, Sulu ang pugot na ulo ng principal na sariwa pa ang dugo. Joy Cantos
- Latest
- Trending