MANILA, Philippines - Kalaboso ang 12-katao kabilang ang isang barangay kagawad makaraang maaresto ng pulisya sa isinagawang raid sa shabu tiangge sa bisinidad ng Zone 4, Cadiz City, Negros Occidental kamakalawa.
Ayon kay P/Chief Inspector Rico Santotome Jr., spokesman ng Negros Occidental Provincial Police Office, kabilang sa mga kinasuhan ay ang sinasabing drug den maintainer na si Kagawad Elpidia “Pedia” Quiatchon, 43; Mon Brian Quiatchon, 18; Shiela Mae Causing, 20; Joel Trocio alias Jojo, 33; Rolando Bautista, 39; Diana Canones, 46; Catherine Bautista, 46; Jojean Caceres, 25; Julius Calvo, 30; Kim Destacamento, 31; Jonathan Alob, 48; at si Ramor Dela Cruz.
Nakapuslit naman sa operasyon ng pulisya ang dalawang iba pa mula sa pamilya Quiatchon kasama ang spotter na tinukoy sa pangalang Claro.
Narekober ang 8-plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000, mga drug paraphernalia, anim na cellular phone, P2,946 cash at ang P1,500 marked money.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 104 personalidad ang nalansag na sinasabing sangkot sa illegal na operasyon ng droga sa Negros Occidental.
Sa tala ng pulisya, aabot na sa 8-shabu tiangge ang nabuwag simula noong Abril hanggang Nobyembre 2009. Joy Cantos