CAMARINES NORTE, Philippines – Nagwakas ang kinabukasan ng isang 6-anyos na nene makaraang pumutok ang shotgun na kanyang pinaglaruan kamakalawa ng hapon sa Purok 3, Barangay Malangcao-Basud sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Halos mawasak ang mukha at idineklarang patay sa ospital si Joyce Ann Mitas habang pinaghahanap naman ng pulisya ang tiyuhin ng biktima na may-ari ng homemade shotgun na si Joel Oresca, 40.
Lumitaw sa imbestigasyon ni SPO4 Emir Joseph Valeros, na naglalaro ang biktima sa loob ng bahay ng kanyang tiyuhin nang mapansin nito ang shotgun na nakapatong sa mesa.
Sa pag-aakalang laruan ay sinilip ng biktima ang pi nakadulo ng butas ng shotgun subalit sa ‘di-inaasahang pagkakataon ay nakalabit nito ang gatilyo kaya pumutok mismo sa mata.
Matapos na malaman ng tiyuhin na sinasabing nasa tindahan na may ilang metro lamang layo sa kanyang bahay ay agad na tumakas.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban kay Oresca na sinasabing may-ari ng homemade shotgun.