Pamilya, 7 nakaligtas sa masaker

MANILA, Philippines - Dahil sa kahol ng alagang aso, nakaligtas sa kama­tayan ang pitong miyembro ng pamilya matapos ratratin ang kanilang tahanan ng dalawang wanted na kriminal sa Sitio Atbang, Barangay Cabungahan sa bayan ng Carcar, Cebu noong Huwebes ng gabi.

Kabilang sa mga nakaligtas ay sina Guillerma Albeso, 58; Carlito Albeso, 38; anak ni Guillerma, misis ni Carlito na si Catalina Albeso, 42; at mga anak ng mag-asawa  na kambal na  sina Karen, 12;  Catherine, 12; Charlene, 10; at si Cherryl, 6.

Napag-alamang natutulog ang mga biktima ng mag­ka­­kahol ang alagang aso kaya naalimpungatan at na­gising si Carlito kung saan ay sinilip nito.

Nang makita sa siwang ng dingding ang isa sa mga suspek na sina Edwin Sayaboc at Prudencio Abayata na may hawak na baril at gumagapang sa likod ng dram patungo sa kanila.

Agad namang ginising ni Carlito ang ina, misis at mga anak kung saan ay pinagtago saka pinadapa kaya nakaligtas sa pamamaril ng suspek.

Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na matagal ng alitan sa pagitan ng suspek at ni Carlito ang motibo ng krimen. Joy Cantos

Show comments