Pamilya, 4 minasaker ng mag-ama

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Naglunsad ng malawakang dragnet operation ang pulisya laban sa isang barangay councilor at ang anak nito na sinasabing nagmasaker sa apat na magkakamag-anak sa bahagi ng Tagay­tay City, Cavite kama­kalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Senior Supt Alfred Corpuz, Cavite police director, ang mga sus­pek na sina Kagawad Sem­proso Terrible, at Philip Ter­rible, kapwa nakatira sa Barangay Calabuso sa Tagaytay City.

Kinilala naman ng pulisya ang mga napas­lang na sina Domingo Fa­jardo, 64; Mag­no Fajardo, 71; Lamberto Fajardo, 62; at si Alberto Parducho, 44.

Base sa ulat ng pulisya, unang pinagbabaril hang­gang sa mapatay si Par­ducho matapos sugurin ng mag-amang Terrible ang bahay ng una.

Matapos mapatay si Par­ducho, isinunod na­mang ti­nu­ngo ang bahay ng pamil­ya Fajardo na may 100 met­ro ang layo sa bahay ng una kung saan pinagbabaril din.

 “Nung maubusan ng bala ‘yung mag-amang Terrible pinagsasaksak na lang nila ang mga biktima bago nagsitakas sakay ng motorsiklo,” pahayag na­man ni P/Supt. Dexter Rellora, hepe ng Tagaytay City PNP.

Walong basyo ng bala ang narekober sa crime scene habang narekober din ang motorsiklo na inaban­dona ng mag-ama sa bisini­dad ng Calamba City, Laguna.

Pinaniniwalaan naman may kaugnayan ang ma­tan­dang alitan sa pamilya ang isa sa motibo sa pama­maslang.

Show comments