Embalsamador, formalin kinukulang
MANILA, Philippines - Nagsipaghilera na ngayon ang mga bangkay sa punerarya sa Benguet at Baguio City dahil sa nararanasang kakapusan ng mga embalsamador at formalin.
Bunga nito, ay nagpadala na ang National Disaster Coordinating Council (NDCC) ng limang embalsamador partikular na sa bayan ng La Trinidad.
Noong Linggo ay napaulat na kukulangin ang mga kabaong sa Cordillera Region lalo na sa Benguet at Baguio City na nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng mga nasawi sa matinding hagupit ng bagyong Pepeng.
Ang Benguet ay nakapagtala ng 172 patay habang 62 naman sa Baguio City kung saan sa buong Cordillera Region ay nasa 270 ang nasawi sa kalamidad.
Kinumpirma naman ni Baguio City Mayor Rey Bautista na nagsisimula nang magdatingan sa mga punerarya ang mga bangkay na pawang biktima ng landslide sa Baguio City at kalapit na lalawigan ng Benguet.
Ayon pa kay Bautista, nagkakaroon ng problema ang mga punerarya dahil sa kakulangan ng gamot na formalin at umaasa silang agad itong matutugunan dahil delikado sa kalusugan kung hindi agad mai-embalsamo ang mga bangkay.
Sinimulan na ng mga Chinook helicopter ng United States katuwang ang Armed Forces of the Philippines ang relief and rehabilitation operation na magkarga ng mga kabaong upang matugunan ang nararanasang shortage ng ataul sa Cordillera.
Magugunitang ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na matugunan ang shortage ng kabaong sa Baguio at Benguet kaya nagpadala ng 100 ataul matapos itong dumalaw sa City of Pines kung saan pinabuksan na rin ang mansion sa lungsod sa mga evacuees.
Nagpadala na rin ng 200 cadaver bags at ilang libong ampules ng anti-tetanus toxoids para mapigilan ang posibleng pagkalat ng epidemya.
Sa kasalukuyan ay tanging Kennon Road pa lamang ang binuksan para sa maliliit na behikulo dahil kailangan pang magsagawa ng clearing operations sa mga lugar na nag-landslide kaya nagbara ang mga highway.
- Latest
- Trending