MANILA, Philippines - Lalong nagpanic ang mga residente ng Pangasinan makaraang kumalat sa text messages na sasabog na ang San Roque Dam sa gitna na rin ng dinaranas na matinding trahedya dulot ng Supertyphoon Pepeng.
Dismayado naman ang National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa mga iresponsableng tao na nag papakalat ng nasabing impormasyon hinggil sa pagsabog ng San Roque Dam sa Pangasinan kung saan ayon sa mensahe ay lulubog rin sa matinding flashflood ang Tarlac.
Tiniyak naman ni NDCC spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na walang katotohanan ang kumakalat na text messages na may bitak ang San Roque Dam at sasabog na ito anumang oras.
“Di totoo ang message na sumabog ang San Roque Dam ... Kaya nakikiusap ako sa lahat lalo na sa mga residente ng Pangasinan na apektado ng pagbaha na huminahon at huwag magpanic,” paliwanag ni Torres.
Sa kabila nito, kinumpirma naman ni Torres na may apat na dike ang nawasak sanhi ng lakas ng daluyong ng tubig-baha.
Nabatid na sanhi ng malakas na bolyum ng tubig na rumaragasa dala ng tubig ulan at pinakawalang tubig mula sa Pantabangan Dam, San Roque Dam, Magat at sa Binga Dam ay nabitak ang apat na dike sa bayan ng Villasis at Barangay Amamperez sa Pangasinan.
Kaya nagresulta ito ng malawakang pagbaha sa Region 1 at Region 3 kung saan nag-collapse na rin ang dike sa Rosales, Pangasinan, dike sa Bued River sa Sison, Pangasinan na nagdulot ng mga pagbaha at maging sa bayan ng Pozorrubio, San Jacinto, Mangaldan, Manaoag at San Fabian.
Samantala, nawasak din ang Diraydipalog dike sa bayan ng Tayug, Pangasinan kung saan 21 barangay ang lumubog sa baha mula tuhod hanggang baywang.
Napinsala rin ang dike sa San Fabian, na nagdulot ng flashfloods sa pitong Ba rangay sa nasabing bayan ng lalawigan.
Nawasak rin ang Bued Bridge na nag-uugnay sa Pangasinan at La Union at hindi ito madaanan sa kasalukuyan.
Nabatid din mula sa San Roque Power Corp. sa kanilang pinalabas na pahayag na “there is no crack” in the dam subalit aminado sila na patuloy ang ginagawa nilang pagpapakawala ng tubig. Joy Cantos