MANILA, Philippines - Apat na pinaghihinalaang miyembro ng isang robbery gang ang napatay matapos makipagbarilan sa nagrespondeng mga elemento ng pulisya sa lalawigan ng Iloilo kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang isa sa mga nasawing suspek na si Reynold Rumawak, residente ng Caloocan City.
Sinabi ng pulisya na naganap ang insidente bandang alas-7:00 ng gabi sa isang beach resort sa bayan ng San Dionisio sa naturang lalawigan.
Nauna rito, hinoldap ng mga suspek ang isang tindahan ng isang negosyanteng Chinese sa bayan ng Sara kaya naalerto ang pulisya.
Natiyempuhan ng pulisya sa naturang beach resort ang mga suspek na lulan ng mga motorsiklo pero nakipagbarilan ang mga ito hanggang sa mapatay ang mga ito. (Joy Cantos)