BONTOC, Mt. Province , Philippines – Tinatayang aabot sa P30 milyon halaga ng ari-arian ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army noong Martes ng umaga sa Barangay Malitep sa Bontoc, Mt. Province.
Ayon sa ulat, lumilitaw na pinasok ng mga armadong kalalakihan ang construction firm ni Romeo U. Aquino saka ikinulong ang mga kawani kung saan sinilaban ang anim na concrete transit mixers at tatlong backhoe na bahagi ng 90 heavy equipment unit na ginagamit sa road rehabilitation projects sa Mt. Province.
Pinaniniwalaan namang maantala ang pagtatapos ng road project sa Disyembre ng 7-kilometer package 5 ng SONA Projects’ Baguio-Bontoc Road (Halsema Highway).
Kabilang sa mga proyektong natatapos na sana ay ang 7 kilometer road concreting projects at isa pang road concreting project (packages 1,2,3) sa kahabaan ng Bontoc-Tinglayan (Kalinga) highway na magkakasabay na sinimulan. “We might be delayed because employees are afraid to work, definitely, we will not finish it on time,” dagdag pa ni Engr. Aquino “They wanted revolutionary taxes,” pahayag ni Engr. Romeo Aquino, kung saan nakatanggap ng liham mula sa iba’t ibang NPA command. Artemio Dumlao