10 NPA patay sa engkuwentro
MANILA, Philippines - Patay ang sampung miyembro ng New People’s Army matapos na makasagupa ang mga sundalo sa magkakahiwalay na insidente kahapon ng umaga sa Bicol Region.
Sa ulat ng Special Operations Command (SOCOM), dakong alas-6 ng umaga naganap ang unang engkuwentro sa pagitan ng 7th Scout Ranger Company, 3rd Scout Ranger Battalion at pitong rebelde na kasapi ng Front Committee 78 na pinamumunuan ni Jerry Apache alyas Ka Josam/Maeng sa Sitio Bonga, Brgy. Pawa, Manito, Albay, kung saan nagkaroon ng 10-minutong bakbakan ang mga ito at ikinasawi ng isang rebeldeng kinilala lang sa pangalang Ka Papay.
Dakong alas-7:30 ng umaga naman ng makasagupa ng mga naturang sundalo ang 20 NPA sa liblib na bahagi ng Brgy. Lipason at Brgy. Mabanate sa Pilar, Sorsogon, dito ay siyam ang nalagas sa grupo ng huli at nasamsam ang 8 malalakas na kalibre ng baril.
Ang pagkakapatay sa mga rebelde ay bunsod na rin ng kasunduan sa pagitan ng Army’s 9th Infantry Division at Philippine National Police na palakasin ang opensiba sa Bicol Region laban sa NPA.
Target din ng mga otoridad na malipol ang mga NPA dito hanggang 2010 kung saan ito din ang pagtatapos ng termino ni pangulong Gloria Macapagal Arroyo. (Joy Cantos/Ed Casulla)
- Latest
- Trending