8 todas sa road accident
MANILA, Philippines - Walong tao ang nasawi sa mga banggaan ng sa sakyan at ibang aksidente sa lansangan sa magkakahiwalay na lugar sa Iloilo, Butuan at Quezon kamakalawa at kahapon ng umaga.
Sa Iloilo, kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Bimbo Sanchez, isang retiradong miyembro ng Philippine Army; asawang si Susan Sanchez; Jerry Mondeja, pawang residente ng Poblacion Calinog; at Leo Bulyaw, 14-anyos ng Culasi, Ajuy, Iloilo.
Pauwi sa kanilang bahay mula sa pamamalengke sa Passi City ang mag-asawang Sanchez nang mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa motorsiklo ni Mondeja. Sugatan ang kaangkas ni Mondeja na si Ronald Asyon.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang mga bik tima at nalasog ang katawan.
Ayon kay PO3 Alexander Bataga ng Calinog PNP, mabilis ang sasakyan ni Mondeja at naagaw nito ang dinadaanan ng motorsiklo ng mag-asawa na siyang ugat ng salpukan.
Sakay naman ng isang motorsiklo si Bulyaw kasama ang dalawa pang kababata nang salpukin naman ang mga ito ng isang pampasaherong Ceres bus sa Barangay San Lucas, Barotac, Viejo sa nasabing lalawigan.
Sugatan din sa naturang insidente ang mga kababata ng biktima.
Isa namang anim na taong gulang na bata ang namatay makaraang mabundol ng isang rumaragasang Isuzu Elf sa siyudad ng Butuan, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Abegail Martinez ng Purok 8, Barangay Bancasi, Butuan City.
Hawak naman ng pulisya ang driver ng sasakyan na nakilalang si Rogelio Salabit, 48, residente rin sa nasabing lugar.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may National Highway ng Bancasi.
Tinatahak ni Salabit ang lugar nang pagsapit sa nasabing kalsada ay nabundol nito ang biktima sanhi upang tumilapon ito ng ilang metro.
Samantala, dalawa katao ang nasawi sa aksidente sa sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Sto. Cristo malapit sa bayan ng Sariaya, Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Police Superintendent Danilo Morzo, hepe ng Sariaya Police, nakilala ang mga biktima na sina Joshua Dave Comienzo, 2, at Apolonio Dalawampu Jr.
Minamaneho ni Dalawampu ang isang owner-type jeep patungong Candelaria nang mawalan ito ng kontrol at masagi ang nakaparadang dump truck bago tuluyang suyurin ang anim na pedestrian kabilang ang biktimang bata na papatawid sa naturang highway.
Sina Dalawampu at Comienzo ay agad na nasawi sa nasabing insidente dahil sa labis na pinsala sa ulo at katawan.
Dalawa pang pedestrians na nakilalang sina Leahrife Comienzo, ina ng bata at Arnulfo Subayba ay itinakbo sa magkahiwalay na ospital sa Lucena City. Si Subayba, ayon sa ulat, ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Nauna rito, Sabado ng gabi isang lalakeng nakamotorsiklo ang napatay nang sumalpok ito sa nakaparadang motorsiklo sa gilid ng Maharlika Highway sa bayan ng Plaridel.
Ayon kay Police Officer 3 Eldie Dayao, imbestigador ng Plaridel police, kinilala ang nasawi na si Joel Boy Oflaria.
Naganap ang sakuna nang bundulin ng motorsiklo ng biktima ang mga nakapa radang motorsiklo sa nasabing lugar dahilan upang tumilapon ito at mabagok ang ulo sa kalsada.
- Latest
- Trending