KIANGAN, Ifugao, Philippines — Nagtipun-tipon kamakalawa ang mga nabubuhay pang beterano ng giyera sa Cordillera at mga residente ng Ifugao para gunitain ang ika-64th anibersaryo sa pagsuko ng mga sundalong hapon sa pangunguna ni Japanese Imperial Army Gen. Tomoyuki Yamashita na sumakop noon sa ating bansa.
Batay sa kasaysayan, si Yamashita na binansagang Tiger of Malaya at pinuno Japanese imperial forces na sumakop sa mga bansa ng Southeast Asia kabilang ang Pilipinas ay sumuko sa gusali ng home economics sa Kiangan Central School noong Setyembre 2, 1945.
Ito ay matapos na matunton ng mga katutubong Ifugao at mga sundalong Amerikano sa mga kuwebang pinagtataguan sa kagubatan na matatagpuan sa pagitan ng Hungduan, Tinoc at Kia ngan, Ifugao na mas kilala sa kasalukuyan bilang million dollar hill dahil sa dami ng mga bomba at bala na nagpasuko sa mga sundalong Hapon.
Ibinaba si Yamashita sa maliit na gusali sa Kiangan kung saan nakatayo ngayon ang Kiangan Central School at dito niya isinuko ang kanyang mga tauhan, armas at bandila ng Japan bago dinala kinabukasan (Setyembre 03, 1945) sa Camp John Hay sa Baguio City para lagdaan ang dokumento kaugnay sa kanilang pagsuko.
“Ang pagsuko ni Yamashita ay simbolo ng aspirasyon ng mga Pilipino sa kalayaan. Ito ang simula ng pagbalik ng demokrasya sa bansa kaya hindi lang dito sa Cordillera ito dapat ipagdiwang kundi sa buong bansa na rin,” pahayag ni Alejandro Puguon, 86, district commander ng Ifugao district ng Veterans Federation of the Philippines.
Ayon naman kay Gualterio Adalim, VFP regional vice president ng Cordillera Administrative Region, ang pagsuko ni Yamashita ang nagbigay ng katapusan ng digmaan at tagumpay sa mga Pilipinong nagbuwis ng buhay laban sa mga Hapon kaya nararapat lamang na ipagdiwang ang September 2 bilang national Victory Day.
Maging ang provincial government sa pamamagitan ng provincial board ay nagpasa na rin ng mga resolutions na humihiling sa Malacañang na gawing national Victory Day ang September 2. (Victor Martin)