Bus vs van: 3 todas
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Napaaga ang karit ni kamatayan sa tatlong miyembro ng Philippine Practical Shooting Association habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang magsalpukan ang van at pampasaherong bus kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng highway sa Barangay Sinamar Sur, sa bayan ng San Mateo, Isabela.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Olpiano Tabangcura Jr., Kenneth Alvin Tulawan, at si Evilio Tulawan na pawang residente ng Barangay Bassig St., Ugac Norte, Tuguegarao City.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na naunang nasagi ng Florida Bus Lines (NDF 398) ang sinusundang traysikel bago sumalpok sa kasalubong na Toyota Innova (RCS 796) ng tatlong nasawi.
Napag-alamang hindi napansin ng drayber ng bus ang sinusundang traysikel na flashlight lang ang ilaw kung kaya’t nahagip pa rin ito nang iwasan ng bus.
Sa lakas ng salpukan ng dalawang sasakyan, ay hindi agad nakuha ang bangkay ng tatlo na nakilala lamang sa nakuhang mga identification card.
Isinugod naman sa pagamutan ang tatlong sakay ng traysikel na unang nahagip ng bus matapos magtamo ng mga sugat sa katawan. Victor Martin
- Latest
- Trending