MANILA, Philippines - Aabot sa 87 pulis na lumabag sa programang Tamang Bihis ng Philippine National Police ang kinastigo sa Negros Occidental.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Rico Santotome Jr., spokesman ng provincial police office, lumilitaw na nagsagawa ng surprise inspection si P/Supt. Floram Natu-el sa mga presinto noong Agosto 25 hanggang 27 at nadiskubreng wala sa tamang ayos na bihis ang mga pulis kaya kaagad pinag-report ang 87 alagad ng batas sa Camp Alfredo Montelibano.
Kabilang sa mga kinastigong pulis ay sinasabing hindi maayos ang pagsusuot ng uniporme tulad ng sira at kupas na ang badge saka nameplate, butas o sira na ang mga uniporme at hindi awtorisadong pagsusuot ng uniporme, ang iba ay hindi magka-partner.
Lumilitaw na aabot sa 12 pulis sa presinto ng pulisya sa Talisay ang naitalang lumabag sa programang Tamang Bihis habang aabot naman sa 10 sa bayan ng Escalante.
Kaugnay nito ay pangungunahan ni P/Senior Supt. Manuel Felix, ang personal na pag-iinspeksyon sa mga pasaway na pulis sa gaganaping flag raising ceremony sa Camp Montelibano sa Camingawan sa Lunes (Agosto 31). Joy Cantos