14 dayuhan tiklo sa puslit na baril
MARIVELES, Bataan, Philippines – Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Bataan Provincial Police Office, mga tauhan ng Bureau of Custom at mga elemento ng Mariveles Police Office ang kapitan ng barkong MV Captain UFOK at 13 Georgianian National makaraang pumasok nang iligal at makumpiskahan ng mga baril sa karagatang bahagi ng Barangay Poblacion ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Ang mga suspect ay kinilala ni Bataan Police Director Senior Superintendent Manuel Gaerlan na sina Lawrence John, African National at chief captain ng naturang barko samantalang ang mga Georgianian National ay kinabibilangan nina; Verzadze Skalva, Bejanidze Socha, Ortkanidze Eduard, Shansvili George, Makakmadze Tamaz, Lortaxphanidze Temur, Malakmadze Albert, Bakhtadze Rodam, Diasamidze Gia, Makaradze Gia, Mskhaladze Damir, Pogosyan Valentin at Makharadze Temure.
Nauna rito, dakong alas-2:15 ng hapon nang mapansin ng isang mangingisda ang barko na nakadaong may 100 metro ang layo sa harap ng Municipal Hall ng Mariveles. Agad niya itong ipinaalam sa mga tauhan ng Customs at Mariveles Police.
Natuklasan kinalaunan ng mga awtoridad sa loob ng barko ang limang pirasong kahong kahoy na naglalaman ng may 50 pirasong Israel-made Galil assault rifle at assorted military accessories.
Sinabi ni Gaerlan ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms, gun smuggling at paglabag sa Custom tariffs and Code of the Phillipines. Pansamantalang naka piit ang mga ito sa Bureau of Immigration. (Jonie Capalaran)
- Latest
- Trending