MANILA, Philippines - Dalawa sa mga miyembro ng isang kidnap for ransom gang ang napatay sa pakiki pagbarilan sa mga pulis nang tangkain nilang dukutin ang tatlong negosyanteng Koreano sa Sto. Niño, South Cotabato kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni South Cotabato Provincial Police Office Director Senior Superintendent Nilo Wong ang mga nasawing suspek na sina Allan Alagasin ng Cotabato City at John Inte Andogan ng Datu Piang, Maguindanao.
Nauna rito, pinasok ng mga armadong kidnaper ang Signature Place Lodging House sa Sto. Niño bandang ala-1:30 ng madaling-araw.
Pinutol ng mga suspek ang mga linya ng telepono, tinutukan ng baril at iginapos ang mga empleyado ng motel at hinanap ang mga Koreanong natutulog dito.
Nagawa namang makatakas ng guwardiya ng motel at mabilis na nagpasaklolo sa pulisya.
Dahil sa pagresponde ng pulisya, nagpulasan ng takbo ang mga kidnaper at hindi na nagawang ituloy pa ang planong pagdukot sa mga dayuhan.
Nakipagbarilan sa mga pulis ang mga kidnaper hanggang sa mapatay ang dalawa sa mga suspek. Nakatakas dahil sa kadiliman ang tatlo pa sa mga kidnaper.
Nakuha ng pulisya ang isang fragmentation grenade, isang tear gas at motorsiklo.